Naiinis ako ngayon.
Naisip ko na tumawag sa bahay para magbilin kay Daryl na diligan ang halamang money tree na iniregalo sa akin ni Eddie at Tess para sa bertdey ko. Ang sabi ko kay Daryl ay gamitin ang asul na baso para diligan ang halaman: 2 basong tubig dahil hindi raw dapat malunod sa tubig ang halaman. Hindi rin dapat mabilad nang matagal sa araw ang halaman dahil madali raw itong matutuyo.
Pagkatapos kong magbilin kay Daryl ay sinabi kong kakausapin ko si Papsie. Nang nasa telepono na si Papsie, natanaw niya na kinuha ni Daryl ang asul na baso (na nagkataong itinabi na ni Papsie sa kabinet). Pinapagalitan niya si Daryl habang nasa kabilang linya ako. Sinubukan kong ipaliwanag na sumunod lang sa akin si Daryl. Natanong ako kung bakit ‘yong asul na baso pa ang kailangan na sinagot ko naman na para madaling magbigay ng instruction kay Daryl at hindi nga kasi dapat magsobra ang tubig. Narinig ko rin na sumabat si Nanay at nagtatanong kung bakit kailangang baso pa.
Sadyang clumsy si Daryl. Natapon ang tubig mula sa baso dahil napuno. Pinagalitan ulit siya ni Papsie habang ako ay nasa kabilang linya. Nakakarindi. Pwede namang magsalita nang maayos at hindi sumisigaw o nagtataas ng boses. Hindi naman matututo ang bata sa ganoong paraan.
Sa totoo lang, naaawa ako kay Daryl sa mga ganoong pagkakataon. Nagiging madalas kasi. Mula kay Kay, hanggang kay Nanay, hanggang kay Papsie e nakakatikim siya ng pagtaas ng boses. Hindi naman siya bingi. Pwede namang magsalita nang malumanay at madahan. Isa pa, hindi naman bobo si Daryl para hindi maintindihan ang mga sinasabi nila. May kakulitan man siya, hindi namang kailangang sigawan para maintindihan niya. Wala sanang problema kung minsan lamang kaso mo nagiging madalas.
Hindi ko na sinabi ang gusto kong sabihin kay Papsie sa telepono (na na-interrupt lang dahil kay Daryl). Ang sabi ko ibababa ko na ang telepono. Nagtanong siya kung bakit. Hindi ko sinabi ang nararamdaman ko dahil alam ko sa bugso ng inis at galit ko, masasaktan siya sa sasabihin ko. Mas madali para sa akin ang magsabi ng nararamdaman kapag humupa na ang inis at galit. Takang-taka siya at bakit naman daw e wala naman siyang ginagawa o sinasabing masama.
Ibinaba ko ang telepono na nangingilid ang luha sa mata (tipikal sa akin pag di ko masabi o mailabas ang inis o galit).
Hindi naman bingi si Daryl. Kaya minsan nagdadabog e paano naman naririndi sa boses nila lalo na sa boses ni Nanay. Hindi pa tapos ang isang utos e sinusundan na ng isa pa. Narindi na sa boses, narindi pa sa utos.
Hindi naman bingi si Daryl. Kapag ako ang nag-uutos, me ngiti pa ‘yon. Minsan nga me kiss at hug pa. Ni minsan kasi e hindi ako nag-utos na parang reyna, palaging nakikiusap ang boses ko at ang tono nito. Tumataas lamang kapag sampung beses na akong tumatawag at hindi sila lumalapit.
No comments:
Post a Comment