Friday, May 6, 2005

Natunaw ang Galit Ko

Hay naku, ang aking si Kay! Kagabi ay ginalit niya ako. Sobra kasi ang allergy ko sa pagdadabog.


Naghugas na siya kaagad ng plato. Habang naghuhugas ay natanaw niya ako na bubuksan na ang PC. "Ma, mag-iinternet ka?" "Oo, bakit?" "E, gagamitin ko kasi ang phone." "Mag-che-check lang ako ng email."


Pinagpatuloy ko ang pag-connect. Katagal nga maka-connect. Naisip kong isang araw e ipa-pacheck ko na naman kay Glenny ang PC ko. Naka-connect na ako pagkatapos ng 5 minuto. "Hayyy, salamat!" Binuksan ko na ang Yahoo mail ko. Naisip ko ring bisitahin ang blog site ko habang nag-o-open ang Yahoo mail. Sobrang kakainip, ang bagal talaga mag-open ang Yahoo mail ko.


Nabuksan na rin sa wakas at nakita ko ang ilang emails mula sa mga kaibigan ko sa blog world. Naengganyo ako na ipagpatuloy ang pagbukas ng blog site ko. Naengganyo na rin akong basahin at sagutin ang mga comments pagkatapos mabasa ang emails. Sinusubukan ko ring buksan ang podcast ng kaibigan kong si Stephen tungkol sa tula kong "Heart’s Struggle". Sobrang tagal magbukas.


Natapos na si Kay sa paghuhugas ay hindi pa rin ako natatapos. Hindi ko man nakikita, nararamdaman ko ang pagkabagot ni Kay. Nariyang umupo sa sofa na padabog. Nariyang bumuntung-hininga nang pagkalalim. Daan dito, daan doon. Labas ng bahay, pasok. Labas ulit. Lahat ay may kasamang pagdadabog.


Ewan ko ba. Marahil sa frustration ko din na hindi ko mabuksan ang podcast, nag-sign out na ako at ti-nerminate ko na ang I-net connection. Tinawag ko si Kay na kalalabas pa lang nang pinto na padabog. Nasermunan ko siya. Lahat ay tungkol sa pagdadabog. Tinanong ko rin kung napakahalaga ba ng call na iyon na alam ko namang para kay Jay. My golay! Alam ko naman na ilang oras na ang inubos niya ng hapong iyon sa pakikipag-usap. Hindi naman matter of life and death ang situation para siya magdabog o mainis o magalit.


As usual, nangatwiran si Kay. With matching tears. Samantalang ako naman, lalong nanggigil sa pangangatwirang baluktot. Pumagitna na si Papsie. Kinausap si Kay sa may dining room. Ako naman ay bumalik sa living room, nanggigil pa rin at inis na inis. Maya-maya pa ay lumapit sa akin ang dalaginding ko at umiiyak na nagsabing, "Ma, I’m sorry. I’m sorry kung nagdabog ako."


Natunaw lahat ng inis at galit. Niyakap ko ang anak ko at hinaplos haplos ang buhok. Iba na ang tono ng boses ko. Buong pagmamahal kong sinabi, "Anak, ayaw ko nang nagdadabog, ha. Kung may gusto kang sabihin sa akin, sabihin mo, huwag mong idaan sa pagdadabog." Marami pa akong sinabi sa kanya. Iyak lang ang tugon ng anak ko.


Sa mga pagkakataong ganito, ramdam ko na hindi ako makakalimutan ng mga anak ko. Sabi nga ni Daryl, "That I will not forget and will always remember, allergic ka pala sa dabog!"

No comments:

Post a Comment