Saturday, October 15, 2005

Ang Isang Katulad Mo, Ang Isang Katulad Ko

Heto na naman, mukhang papalaot na naman sa mundo ng drama.Pwera biro, kapag ikaw ang nasa isip, hindi ko magawang hindi magseryoso. Pareho naman tayong may pagka AB normal. Pareho tayong masayahing tao. Pareho nating dinadala ang buhay nang magaan kahit na ba ito ay napakabigat.

Paano kasi ang laki ng respeto ko sa iyo. Habang papalapit na tayo sa dapit hapon ng ating mga buhay, lalo ko lang nararamdaman ang halaga ng isang tulad mo sa buhay ko. Kung tutuusin, malayo ka sa mga tinitingalang kalalakihan - Presidente, Bise-Presidente (ng bansa at mga pagawaan), Tagapangasiwa, Doktor, Inhenyero, Siyentipiko, atbpa. Pero positibo ako, isa ka sa mga tagumpay na tao kung hindi ka nagkaroon ng karamdamang dulot ng hypertension.

Pero nangyari na ang mga itinakdang mangyari. Hindi na siguro dapat pang manatili sa panghihinayang at pagkalungkot hindi man ito maiwasan. Dapat siguro ay tingnan na lamang kung ano ang mga tagumpay na ating nakamit nang tayo ay magdesisyong sumulong sa buhay mag-asawa kahit na kakaiba ang sitwasyon.


Pero nangyari na ang mga itinakdang mangyari. Hindi na siguro dapat pang manatili sa panghihinayang at pagkalungkot hindi man ito maiwasan. Dapat siguro ay tingnan na lamang kung ano ang mga tagumpay na ating nakamit nang tayo ay magdesisyong sumulong sa buhay mag-asawa kahit na kakaiba ang sitwasyon.


Natatandaan mo pa ba kung ilang beses mo akong ipinagtulakan para lamang maghanap ng iba? Kapag nagbibida ka nga sa mga kabarkada mo at mga bagong kakilala, ikinukwento mo ito sabay dagdag, "Paano kasi, wala na siyang makitang kasing gandang lalaki ko na na-i-stroke." Palaging hit ang birong iyon.


Natatandaan mo pa ba ang ginagawa mo bago tayo matulog noong ipinagbubuntis ko si Kay? Kakanta ka ng "Bahay Kubo" sa tapat ng tiyan ko at kakausapin mo siya. Tuloy, isang taon at kalahati pa lang si Kay, kabisado na ang "Bahay Kubo". At bago pa iyon, noong ako ay naglilihi, nagpahanap ako ng atis e hindi naman panahon ng atis. Nagkulong ako sa kwarto dahil sa pagkabigo, umuwi ka kasing walang dalang atis. Buti na lang tila isang anghel pa rin ang lumabas, nakuha nga lamang ang ugaling madaling mabugnot.


Natatandaan mo pa ba ang pagbubuntis ko kay Daryl? Ilang ga-unang dugo ang nawala sa akin, Sobrang takot ang nararamdaman ko tuwing bubuhos ang maraming dugo sa kapirasong pagkilos. Paano nga’y di ako mapakali at nabubugnot sa kakahiga sa sofa. Yun naman pala bawal talaga sa isang kaso ng placenta previa ang kumilos dahil inunan ay nakabara sa pwerta. Hindi ko maramdamang natatakot ka noon. Pero marahil ayaw mo lang ipakita sa akin. Nang matagumpay siyang nailabas sa pamamagitan ng CS operation, natatandaan mo ba na humagulgol ako nang sabihin sa akin na maiiwan si Daryl ng isang linggo pa at ipagdasal dahil may respiratory distress siya? Hindi ka umiiyak noon. Nang okey na si Daryl, ikinuwento ni Nanay na nang umuwi ka pala noon galing sa ospital, humagulgol ka sa kanya. Ang daya mo, ayaw mong umiyak kasabay ko.


Natatandaan mo ba noong minsang dinala natin si Kay sa Pedia niya sa Chinese General Hospital para sa kanyang buwanang check-up? May lagnat siya noon at nahuli sa pagdating ang doktor. Ang hinhin kasi kumilos. Pilit mong kinulit ang sekretarya na tawagan na ang doktor at mahaba na ang pila. Sabi mo pa, mahuhuli ka sa appointment mo. Kaya nang dumating ang doktor, iyon ang sinabi ng sekretarya sa kanya at tayo ay inuna. Natatandaan mo ba na tinanong ka niya kung ano ba ang negosyo mo at mahuhuli ka sa appointment mo? Walang patumpik tumpik na sinabi mong kailangan mo nang pakainin ang mga alaga mong baboy. Ngingisi ngisi ang doktor at nang mapansin na ikaw pala ay pipilay pilay sa paglakad, hindi natiis magtanong kung ano ang nangyari sa iyo. Natigil ka sa pag-aalaga ng baboy dahil strenuous daw iyon para sa iyo. Dapat din lang naman kasi naka-apat na stroke ka na.


Marami pa ang mga napagtagumpayan natin. Iyon ay posible sa isang katulad mo at sa isang katulad mo. Tayo talaga ay para sa isa’t isa. Sa susunod, isusulat ko ang mga iba pa. Hindi naman palagi tayong nakangisi pero ang mahalaga at kung titimbangin, lamang pa rin ang saya, di ba?

No comments:

Post a Comment