Saturday, April 1, 2006

Si Rosita Rosas

(Isang pabula para sa araw ng pagtatapos ni Kay.)


Isang kaharian ng mga bulaklak ang pinamumunuan ni Reyna Delilah Dahlia. Lahat ng kanyang nasasakupan ay panay kaaya-ayang mga bulaklak na may iba’t ibang kulay, laki at ganda. Bawat isa sa kanila ay may angking katangian na para lamang sa kanila. Ngunit ilan lamang sa kanila ang kanyang paborito. Una ay ang angkan ng mga Rosal. Pangalawa ay ang angkan ng mga Camia at ang pangatlo ay ang angkan ng mga Ylang-ylang.


Paborito niya ang mga angkang nabanggit dahil sa kakaibang bangong ibinibigay ng mga ito. Si Rosa ng angkang Rosal ang pinakamaganda sa kanyang angkan dahil ang kanyang mga talulot na puti ay tila may mahikang nagiging dilaw. Ang kanyang bango kapag siya ay nasa bulwagan ng palasyo ay kapansin-pansin dahil lalo itong sumisidhi sa gitna ng karamihan. Lagi siyang inaalala ng Reyna Delilah, at pinaalalahanan din na alagaan ang sarili para manatili ang kanyang bango.


Si Camela Camia ang siya namang namumukod tangi sa angkan ng mga Camia. Matindi rin ang bangong ibinibigay niya sa kapaligiran, ngunit hindi naaayon sa bulwagan ng palasyo ng reyna dahil mas madalas ay nahihilo sa kanyang angking bango ang mga panauhin. Ang kanyang malalaking talulot ay kasing puti ng gatas at tunay na kaakit-akit. Madalas dalawin ng reyna ang kanyang hardin dahil mas nababagay ang kanyang bango sa mga lugar na tulad nito. Gaya ng pag-aalala kay Rosa Rosal, madalas ay hinahaplos siya ng reyna upang lalong tumingkad ang ganda.


Sa tatlo, si Lilia ng angkan ng mga Ylang-ylang ang pinakapaborito ng reyna. Bukod sa Reyna Delilah, paborito din siya ng karamihan sa mga bulaklak. Ang kanyang bango ay naiiba. Ito ay malalim at nakapagbibigay ng saya. Ang kanyang mga talulot ay kulot at hugis bituin. Gustung-gustong ng reyna ang kanyang kulay narosa dahil ang karamihan sa kanilang angkan ay berdeng manilaw-nilaw ang kulay. Madalas ay kausap ng reyna si Lilia dahil ang langis mula sa kanyang ubod ay nagbibigay ng tunay na ginhawa.


Minsan, sa isang piging sa palasyo ay naging panauhin ang angkan ng mga Rosas. Naghandang mabuti ang angkan upang mabigyang kasiyahan ang Reyna Delilah. Nagdala sila ng mga handog mula sa iba’t ibang produkto ng kanilang angkan. Maliban sa kanila ay naroon din ang angkan ng Dama de Noche, ang angkan ng Cadena de Amor, ang angkan ng Sampaguita, at angkan ng Gumamela. At sa gitna ng kasiyahan, ay ibinalita ang pagdating ng tatlong paborito – si Rosa Rosal, si Camelia Camia at si Lilia Ylang-ylang. Lahat ay manghang-mangha sa angking kagandahan at bango ng tatlo, maliban kay Camia na sumidhing maigi ang amoy.


Sa di kalayuan ng mga bulaklak na nagtitipon ay naroon si Rosita Rosas na matamang nagmamasid. Kung pagmamasdan, mayroon din siyang kagandahang hindi maitatanggi. Ang kanyang mga talulot ay kakaiba dahil ito ay patung-patong at marami. Mayroon siyang mahinhing amoy na itinatangi ng marami niyang tagahanga. Nang biglang ay nagwika ang reyna, “Sino siyang pagkaganda-ganda sa kulay niyang matingkad na pula?” Lahat ay sinundan ang direksyong pinaroroonan ng tingin ng reyna. Nagulat ang lahat na ang tinutukoy pala ay si Rosita Rosas. Ganoon na lamang ang pagkabigla at kasabay ay pagkatakot ni Rosita. Sumagot ang isa sa mga angkan ng Rosas, at nagsabi, “Siya po si Rosita ng angkan ng mga Rosas.”



Sumagot din ang isa sa angkan ng mga Cadena de Amor, “Siya nga po.” Sa malambing na tono ay niyaya ng reyna si Rosita na lumapit, “Halika, Rosita.” Sa paglapit ni Rosita ay lalong napahanga ang reyna. Higit palang matingkad ang kanyang kulay sa malapitan at ang kanyang amoy ay napakagaan sa pakiramdam, hindi ganoon kabango ngunit hindi rin masidhi ang amoy. “Ngayon ko lamang napagmasdan ang iyong ganda. Ano’t hindi kita nakitanoon pa?” Pagdaka ay sumagot si Rosita at nagsabi, “Ipagpatawad mo, aming Reyna Delilah, ang aming angkan ay malaki, at kailangan kong tumulong sa marami upang magampanan ang iniatang sa aming mga tungkulin. Hindi ko po magawang dumalo nang madalas sa mga piging dahil mas kailangan ako ng marami.”


“Siya nga ba? Kung ganoon, bukas na bukas ay dadalaw ako sa inyong kinaroroonan upang makita ang inyong ginagawa. Ngunit kung maaari ay dumito ka sa aking tabi dahil ang iyong bango ay nakapagbibigay ng kasiyahan.”


Sa nakita at narinig, nagsimulang magbulungan ang tatlong paborito. Galit na nagwika si Camelia, “Ano naman kaya ang kakaiba sa kanya? Higit akong mabango sa kanya!” Sumagot si Rosa, “Oo nga, hindi naman nagbabago ang kanyang kulay hindigaya ng aking mga talulot na tila may mahika!” Pabungisngis na nagwika si Lilia, “Baka nanlalabo na ang mata ng reyna!”


Kinabukasan nga ay nagtungo si Reyna Delilah sa kinaroroonan angkan ng mga Rosas. At nakita niya na ang mga tungkulin nila ay higit na kapaki-pakinabang. Mayroon sa kanilang angkan ang nagdudulot ng pagkain para sa mga taong nilalang. Mayroon din ang nagbibigay ng langis at ibang kemikal na kailangan sa mga pabango ng mga taong nilalang. Masayang-masaya siya sa nakitang pagsusumikap ni Rosita Rosal na maging maasyos at payapa ang lahat.


Nang bumalik ang reyna sa palasyo ay sinalubong siya ng tatlo. “Aming reyna, ano ang nangyari at kayo ay pumaroon sa delikadong lugar?” wika ni Rosa. “Oo nga, Reyna Delilah, ang lugar na iyon ay madalas na inaatake ng mga bubuyog, paano kung umatake sila na naroon kayo?” malambing na pagsusumamo ni Lilia. Hindi nagpahuli si Camelia, “At hindi lamang ‘yon. Nabalitaan naming na si Rosita Rosas ay nakikipagsabwatan sa mga bubuyog upang ang mga ito ay may makukulimbat at siya ay binabayaran dito.”


Dahil sa tinuran ni Camelia, nagulat ang reyna, “Nakikipagsabwatan?!?” Mabilis na pagtango ang itinugon ni Camelia na hindi man lamang nakunsensiya sa kanyang pagsisinungaling. Mabilis din ipinatawag ng reyna ang ministro ng mga Dahlia at ipinag-utos na huwag nang papasukin si Rosita sa palasyo. Ipinag-utos din na bawasan ang rasyon ng mga pangangailangan ng angkan ng mga Rosas. Hindi na ginawang ipatawag ng reyna si Rosita at kahit na sino sa angkan. Dagli siyang naniwala sa sumbong ng tatlong paborito.


Masayang-masaya ang tatlo. Itinuring na nilang kaagaw, lalo na ni Camelia, si Rosita mula nang araw ng piging kung saan ay napansin ng reyna si Rosita. At ngayon ay tiyak na tiyak na nila na hindi na siya makatutungtong muli sa palasyo.


Nang malaman ng angkan ang balita ay nalungkot sila lalo na si Rosita. Lubos nilang ipinagtataka kung bakit nagkaganoon ang reyna na noong nakaraang araw lamang ay napakagiliw kay Rosita. Ikinabahala nila ang pagiging limitado ng kanilang kilos.


Isang araw ay lumusob ang mga bubuyog na matagal nang hindi lumulusob. (Si Camelia ang nakipagsabwatan sa mga ito.) Natakot ang lahat sa nakaambang panganib. Ngunit hindi pa rin nakakalimot si Rosita sa paraang kanilang ginamit noon at buong tapang na sumigaw, “Ang mga tinik n’yo! Ilabas ninyo ang inyong mga tinik!” At ganoon nga ang ginawa ng lahat. Sa bawat pagbulusok ng mga bubuyog ay iniuumang nila ang kanilang mga tinik dahilan upang magtatarang sa sakit ang mga bubuyog. Hindi nagtagal ay sumuko ang mga ito at tumakas.


Nakaabot sa reyna ang mga pangyayari. Natuklasan din na may kinalaman si Camelia at dali-dali itong pinaalis sa palasyo. Nalaman din niya na si Rosita ang naging dahilan upang maging buo ang loob ng angkan ng mga Rosas. Ngunit hindi niya magawang ipatawag ito dahil sa matinding pagkapahiya sa sarili.


Samantala, ang buong angkan ng mga Rosas ay nagbunyi. Para sa kanila, isang bayani si Rosita. Hindi lamang siya maganda kundi maaasahan din sa mga pagkakataong kailangan ng isa upang manguna.

No comments:

Post a Comment