Thursday, August 18, 2005

Ako na Lang Kaya?

Umuwi si Kay sa bahay noong isang araw galing sa eskuwelahan nang ako ay nasa banyo at naliligo. Hindi kasi ako pumasok dahil sa sama ng pakiramdaman ko. Para akong tatrangkasuhin. Narinig ko ang boses na garalgal at parang naiiyak. “Ma…” Sagot agad ako, “O, anak, bakit?” “Ang sama po ng pakiramdaman ko,” sagot niya na para bang umiiyak na. “Sandali lang, ‘nak, tatapusin ko lang ito.” Dali-dali kong tinapos ang aking paliligo. Buti na lang at nagbabanlaw na ako. Ang hirap kasing madaliin kapag nagsasabon ka pa lamang ng katawan mo.


Naroon si Kay sa sala nang lumabas ako. Naroon din si ***. Parang ginaw na ginaw ang anak ko, parang may mga luhang gusto nang pumatak, at inuubo na. Sipon lamang naman noong una, ngayon inuubo na. Pinagbihis ko kaagad si Kay at pagkabihis ko ay bumaba agad ako para magluto ng chicken noodle soup.


Gumanda na ang pakiramdam ni Kay nang kaunti nang malaon. Tinulungan pa nga niya si Daryl na i-solve ang linear equation problems. Reseta na naman mula kay Doc Rico! Buti na lang at hindi pa niya kailangan ang antibiotic. Ginto kasi ang halaga ng mga antibiotic ngayon. Bawal talaga ang magkasakit.


Sa mga pagkakataong tulad nito, parang gusto mong sabihin kay Lord, “Lord, ako na lang kaya?” Ang hirap kasi para sa akin ang makitang may sakit ang mga baby ko. Para bang gusto mo kunin sa kanila ang karamdaman. Ang makitang masigla at masaya silang gumagalaw dito sa mundong ibabaw ay sapat na para patuloy akong makibaka sa buhay.

No comments:

Post a Comment