Saturday, September 17, 2005

Bagong Hairdo

Matagal nang umuungot si Kay na magpagupit ng buhok. Ayaw ko noong pumayag dahil nanghihinayang ako na paiksiin ang mahaba niyang buhok. Isa pa, baka mahirapang magpahaba uli.


Pinayagan ko na rin sa wakas (tutal siya naman daw ang magbabayad ha ha ha). ‘Layered’ ang buhok niya ngayon at hanggang balikat na lang. Hindi naman kataasan ang layers. Mabuti din iyon para hindi mahirap pahabain kung magdesisyon na siyang pahabain. Bumagay naman sa kanya. Sabagay, bumabagay naman ang halos lahat ng gupit sa kanya dahil sa hugis ng mukha niya.


Noong maliit si Kay, sobrang bagsak ang buhok niya at nadudulas ang mga ipit. Hindi itim ang kulay. Parang matingkad na moreno ang kulay. Nagtaka ako na nang siya ay papunta na sa pagkadalaginding, nawala ang pagkabagsak at parang may mga kulot sa hairline. Nalaman ko na ito pala ay depende sa polikulo ng buhok (hair follicle). Ang mga polikulo ng mga Afrikano ay may baluktot (curved) na polikulo kaya sila ay kulot. Ang kanilang buhok ay may patag (flat o tapelike) na bahaging paputol (cross section). Ang buhok ng mga Tsino o Hapon ay tuwid, at halos itim lahat. Ito ay tumubo sa tuwid na poliuko na may bilog na bahaging paputol. Ang mga buhok ng mga taga Europe ay maraming alon, at may tendesiyang kumulot. Ito ay may bilohabang bahaging paputol. Ang tipo ng polikulo ang nagsasabi ng mga katangian ng buhok. Ang mga ito rin ay namamana.


Katulad ko rin si Kay na may alon ang ibang parte ng buhok.

No comments:

Post a Comment