16 na taon na kami ni Papsie noong Abril 2, 2005. Tagal na, ‘no? ‘Ika nga ng isang blogger, ‘di ka pa ba nagsasawa?’
Ano ba ang dapat pagsawaan? Iyon bang halos araw-araw niyang pagsabi ng ‘I love you’? Iyon bang halik niya bago ako matulog? Kasama na ang mga yakap at mga pilyong bulong? Pagsasawaan ko ba ang mga malalanding haplos? Pati na ang dahan-dahang pagdampi ng labi (kasama na ang dila) sa tenga?
Dapat ko bang pagsawaan ang mga masasarap na luto? Lalo na ang pansit? Pagsasawaan ko ba ang intensyon niyang huwag akong malipasan ng gutom?
Palagi kong naririnig ang malakas na boses niya pag galit siya pero humihina pag ako na ang kausap, dapat kayang pagsawaan iyon? Ang dali niyang magsabi, "Mga bobo kasi!", pag nayayamot sa mga impertinente. Lima singko ang mura sa kanya na parte na yata ng pagkatao niya. Ni minsan naman e hindi ako minura o pinagsalitaan ng pangit. Kakasawa ba yun?
Hay… ang bango niya pag matutulog na! Ni minsan, kahit isang beses lang, hindi ko naamoy na mabaho si Papsie pag tumabi na sa akin sa kama. Gusto pa ngang maligo kahit na lango na o lasing na, ako na lang ang nagsasabing huwag na. Pero hindi pa rin siya nag-amoy mabaho. Palagi siyang amoy beybi, amoy presko, amoy unadulterated!
Ang alam ko ang mga pinagsasawaan e iyong mga abusado, walang galang sa asawa, mahilig mambabae, lagpas sa ulo ang bisyo, magaan ang kamay at kung anu-ano pa. Silipin ninyo ang mga kamuhi-muhing lalaki na isinulat ko.
Marahil dumadating sa punto ang lahat na gusto lamang ng thrill, ng excitement, ng mystery. Pero lumilipas lahat yan. Pag nilagay sa timbangan, ni hindi mangangalahati sa timbang!
Tuesday, April 5, 2005
Amoy Beybi
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment