Monday, July 25, 2005

Mahilig Din sa Blogs

Ang hindi ko alam bago pa man ako magkainteres sa blogging, ang aking bunso ay nahilig na pala sa mga blogs. Bakit daw ba? E, kasi nga po siya ay fan ng GMA – 7. Sa kakabantay sa ratings ng GMA at ABS-CBN, nahilig na siyang magbasa ng mga blogs tungkol sa mga programa, tv shows, tv series, telenovela ng GMA-7. Matagal na pala siyang lumalahok sa palitan ng ideya at mga opinion tungkol sa mga isyu at mga programa ng sinasabing network.


Hanggang ngayon ay sumusubaybay pa rin siya. Nakikilahok sa mga opinion. Isa sa mga kinalolokohan niya sa ngayon ay ang Encantadia – ang telepantasyang sikat na sikat sa ngayon dito sa Pinas. Nakakaaliw na hindi marahil alam ng kausap (reviewer ng tv series) ni Daryl na siya ay isa lamang 12-taong gulang na bata. Silipin nga natin ang palitan ng kanilang opinion dito. Siya si real-kapuso dito.


Ngayon, ay may sarili na siyang blog at say mo, ang unang topic ay politics! Mabibigla ka rin sa kakayahan ni Daryl talaga. Hindi mo inaasahan ang mga tumatakbo sa isip niya. Hindi siya isang ordinaryong bata na laro at pagsasaya lamang ang mahalaga (na hindi ko naman sinasabing masama). May sarili siyang mundo. May sariling takbo ang isip.


Habang si Kay ay abala sa pagiging sociable sa eskuwelahan (at nalaman ko rin ito kay Kay), si Daryl ay naroon daw sa library at nagbabasa ng diyaryo o ng mga librong kumukuha ng interes niya. Madalas pinapaalalahanan ko nga na mahalaga na nakiki-pag-socialize ang isang tao. Alam daw niya iyon. At tanungin mo kung ano ang priorities niya – sasagutin ka ng “To enjoy life!” Paano ba? “LOTR, SIMS.” Kakaiba ano?

No comments:

Post a Comment