Friday, January 6, 2006

Mas Malalim

Medyo sensitibo ito.Taun-taon ay nagkakaroon ng Sto. Nino festival sa simbahan ng Aglipay kung saan kami ay nagsisimba. Lumapit sa akin si Daryl noong isang araw at nagsabing hindi na raw siya interesado sa festival na ito. Sa wikang Tagalog (mahilig kasi magsalita sa wikang Ingles si Daryl), “Kailangan mo pa ba ipakita sa Diyos ang pagmamahal mo sa pamamagitan ng Sto. Nino?” Syempre nakakagulat dahil dating panatiko ang anak ko dito.

Sumagot ako ayon sa aking paniniwala. Hindi ko naman kayang magsinungaling sa mga anak ko. “Anak, katulad din yan ng panahon ng Kwaresma, hindi namamatay paulit-ulit si Hesukristo. Hindi na rin naman bata si Hesus ngayon. Ang Sto. Nino ay representasyon noong bata siya. Pero hindi na siya bata.” Idinagdag ko rin na ang lahat ay pagdaraos lamang at pag-alala. Hindi dapat sinasamba ang hindi naman dapat sambahin.

“Kasi sa tingin ko nga, Ma, mas mapaglilingkuran mo ang Diyos kung ikaw ay gagawa ng mabuti para sa Kanya. Hindi iyong kailangan mo pa ng Sto. Nino para ipakita na mahal mo ang Diyos.”

Natutuwa ako na malalim na ang pagtingin ni Daryl sa pananampalataya. Patunay na nakikita niya ang kaplastikan at pagpapakitang-tao sa ilang tradisyunal na gawain sa simbahan. Patunay na unti-unting nabubuksan ang kanyang isipan sa katotohanan.

Pero nalulungkot din ako kung paano nag-aalala ang biyenan ko na kailangan pala ay palagi niyang kasama si Daryl sa simbahan at baka matulad daw kay Kimpoy, isang batang kapitbahay na napakasalbahe. Nakakalungkot kung paano niya husgahan si Daryl dahil lamang hindi naaayon sa kanyang pananampalataya. Parang mali yata na si Daryl ang pinag-iisipan na baka maging masama. Hindi kaya niya nakikita ang ibang nabubuhay sa baluktot? Ang ibang may katumbas na presyo ang pagmamahal?

No comments:

Post a Comment