Saturday, March 12, 2005

Ang Aking si Daryl

>Siya ang pangalawa kong supling. 12 taong gulang na. Matangkad pa sa akin. Lalo na siguro pag na*** (ayaw niya ipagsabi) na. First year high school na siya. Salutatorian din nang grumadweyt noong elementary.



>Malambing na bata. Sa edad niya, kakaiba siya. Hindi kasi mahilig sa barkada. Hindi katulad ng ate niya. Mahilig lang siyang maglaro ng computer games gaya ng Age of the Empire at ng SIMS. Mahilig din magsurf sa net tungkol sa mga paborito nyang istorya gaya ng Lord of the Rings. Mahilig din sa Blogs. Madalas niyang pinupuntahan ang blog ng GMA-7. Kapuso daw kasi siya. Die-hard na maka-siyete. Makakasundong mabuti kung ang kausap ay maka-siyete din.



>Magkabaligtad ang ugali nila ng ate niya. Mahilig sa barkada ang ate niya, siya hindi. Mas nagpupunta sa library para magbasa. Alam kong kailangan ding makisalamuha ng aking si Daryl pero sa ngayon, hindi ko naman nakikita na may malaking problema sa mga nakakahiligan niyang gawin. Magaling pa rin naman siyang makipag-usap. Para siyang isang bata na may isip ng isang matanda. Malalim ang mga topics na tinatanong gaya ng "Ma, ano ang opinyon mo sa VAT? Makakatulong ba ito sa atin?" na kakagulat talaga kung iisipin. Nagsisimula na pala siyang mag-obserba. Inosente pa rin naman. Katabi ko siya minsan at habang nakaholding hands kami at pinagmamasdan ang braso ko, "Ma, wala kang buhok (o balahibo yata ang sinabi niya) sa braso, ‘no? E, me pubic hair ka ba?" Sobra akong natawa. Natawa sa pagkainosente ng tanong. Natawa rin siya sa reaksyon ko na, "Ano ka ba naman, Daryl, ang dami mong itatanong, yan pa ang tinanong mo!"


>Nasa top ten pa naman siya. Hindi ko naman pini-pressure. Kung noong elementary pa sila ay sobra alalay ako, ngayong high school na sila, pinababayaan ko sila sa diskarte nila. Pero siyempre, naroon palagi ang paalala, pati na sermon. Hay… para pa rin kasi silang mga pako minsan na hindi babaon pag hindi pinukpok!



>Mabait na bata si Daryl. Ang dali ngang utuin. Kapag may pagkain yan, hindi pwedeng hindi ka alukin kahit gustong-gusto niya ang pagkain. Pero kapag nasa hapag-kainan na, huwag mo siyang aabalahin. Sobra ang konsentrasyon niyan kapag paborito ang ulam. Kapag gulay ang ulam, mas marami pa ang kwento kaysa sa nakakain.



>Marami siyang pangarap. Ang sarap pakinggan na balang araw daw ibibili niya ako ng bahay na maganda na maraming halaman at bulaklak sa palagid. Sana matupad, ano?

No comments:

Post a Comment