Mahilig si Kay gumuhit. Magaling talaga ang kamay. Kahit na sarili niya kaya niyang iguhit. Sabi nga ni Zen noon, malalaman mo na magaling gumuhit ang isang tao kung maiguguhit niya ng maayos ang mga kamay at ang mga paa. Naisip ko noon na magaling nga ang anak ko.
Maliit pa lang si Kay, alam ko na ang talentong ito ay hindi na mawawala. Dahil mahilig din akong gumuhit, palagi ko siyang ini-encourage. Ang mga bata naman, lalong pinupuri, lalong ginaganahan. Talagang kapansin-pansin sa kanya ang galing na gumuhit. Kitang-kita mo ang interes habang gumuguhit ako para sa mga proyekto sa iskul. Makikita mo na lang siya sa isang tabi na panay ang iskribol, tahimik na pini-perfect ang sariling drowing.
Isa lang ang dapat mong tandaan pag siya ay gumuguhit. Huwag mong titingnan kung paano niya ginagawa ang isang drowing. Ayaw niya ‘yun. Madalas nag-aaway sila ni Daryl tungkol dito. Ewan ko ba, pareho kami ni Kay sa ugaling iyon, at ewan ko rin bakit ganun na ayaw ko na minamasdan kung paano ako gumuhit. Siguro, nakakawala ng konsentrasyon. Maaaring ganun din ang dahilan ni Kay.
Wala na akong praktis sa pagdrowing. Dinaig na ako ng anak ko. Kahit sa bilis ng pagdrowing, iniwan na ako ng milya-milya. Di bale, anak ko naman ang tumalo sa ‘ken. Yan lang ang palagi kong sinasabi lalo na pag sinasabi ni Rey na ‘talung-talo ka sa beauty ng anak mo.’ Di bale, ako naman ang nagdrowing kay Kay, di ba?
No comments:
Post a Comment