Monday, March 21, 2005

Nakakalungkot Din Pala

>Taun-taon, mula nang mag-aral sila Kay at Daryl, umaakyat kami sa stage ni Papsie para sa magsabit ng mga medalya at ribbon sa aming mga anak. Kadalasan kasi tatlong estudyante lamang ang kinikilala sa mga pribadong eskuwelahang pinapasukan nina Kay at Daryl.
>Pinag-usapan na namin ni Papsie ito na ihanda rin ang aming mga sarili sa mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng posibleng hindi pagkakasama nila sa mga kikilalanin sa Recognition Day. Hindi kami dapat mag-react violently. At dumating nga ang pagkakataong ito.
>Nasa top ten pa rin ng section 1 ang dalawa. Siguro dapat pa rin kaming magpasalamat dahil kahit hindi namin talaga nakita na nagbuhos sila ng oras sa pag-aaral e naroon pa rin sila sa top ten. Ayoko rin namang magtanong nang magtanong dahil baka lumabas na ginagawa ko iyon para sa sarili kong kasiyahan.
>Pinipilit kong unawain ang kaso ni Kay sapagkat napakarami nyang responsibilidad. Presidente siya ng kung anu-anong organisasyon sa eskuwelahan at ang huli e nanalo sya bilang Presidente ng Student Council. Sa kaso naman ni Daryl, naniniwala ako na nag-a-adjust pa rin siya sa sitwasyon mula elementarya at ngayon nga ay sekondarya na. Naniniwala akong kailangan nilang gawin ang mga bagay-bagay kabilang na ang nasa eskwela sa sarili nilang diskarte. Kailangan din nilang matutunan ang tumayo sa sariling paa. Kailangan din nilang maranasan ang pagkabigo. Hindi rin naman pwedeng palaging pagkapanalo ang maranasan.
>Hay… pero saying din… naroon na sila e. Sabi nga ni Papsie, hindi siya disappointed dahil alam niyang matalino silang pareho pero nakakalungkot din pala…

No comments:

Post a Comment