Minsan nagtatampo ako sa iyo. Dati-rati kasi hindi tumataas ang boses mo pag ako ang kaharap mo. Likas na sa iyo ang magtaas ng boses, alam ko. Pero hindi sa harap ko.
Ngayon e madalas kung naririnig iyon. Alam kong nagkakaedad na tayo kaya lang hindi talaga ako sanay. Kadalasan kasi kapag ako ay nasa tabi mo o nasa paligid at natatanaw mo, nungkang magtaas ang boses mo kahit na mainit ang ulo mo. Wala na ba akong karisma ngayon?Madalas rin ay natatabig ng kaliwa mong braso, o kamay, o paa ang mga bagay-bagay. Dahilan ito para ang mga ito ay mabasag o masira o bumagsak. Nakakangilo ang mga sumusunod pang eksena. Tama nga si Nanay, minsan nga e nakakabuwisit. Para kasing me kasalanan din ang mga nakapaligid. Nariyang nagmumura ka na, o sumisigaw ng di mawawaan, o lalong nagdadabog.
Alam kong hindi madali ang ma-i-stroke. Hindi rin madaling tanggapin ang sitwasyon. Pero 17 taon na ang nakaraan. Ang akala ko ay natanggap mo na.
Sana ang halakhak mo habang kasama mo ang mga ka-madyong mo e katulad din palagi ng halakhak mo pag nasa loob ka na ng ating munting tahanan. Sana hindi ka madaling mag-init ang ulo dahil lamang hindi mo magawa nang mabilis ang mga gawain. Sana ay palagi kang nakangiti. O palaging masaya. O palaging humahagalpak sa tawa. Sana ay sapat na kami para ikaw ay maging maligaya.
Nais kong isipin mo na hindi totoong wala kang halaga o wala kang nagagawa o wala kang kontribusyon. Hindi totoo iyon. Alam ng mga anak mo kung ano ang mga ginagawa mo para sa kanila kahit na nasa ganyan kang kalagayan. Hindi ito palakihan ng kontribusyon o naibibigay na pera o materyal ma bagay. Ang nakikita namin ay higit pa – ang iyong pagmamahal sa amin, ang pagkalinga sa likod ng kapansanan.
Dahil sa iyo kaya kami nagpapatuloy sa buhay. Dahil sa iyo kaya kami nabubuo. Dahil sa iyo kaya kami ay masaya at nangangarap.
No comments:
Post a Comment